Posts Tagged ‘boksing’

Ano ang gagawin ni Pacquiao pagkatapos

Marso 17, 2008

may dalawang options si pacquiao para sa kanyang career. una, sundin ang plano para sa kanya ni Bob Arum: labanan si David Diaz na WBC champion sa 135 lbs.  Si Diaz ay napanood ninyo sa undercard ng unfinished business laban kay Montaño. Di naman magaling si Montaño, na sparmate ni Paqcuiao pero mukhang nahirapan si Diaz.  Unang nakilala si Diaz nang labanan niya ang matanda nang si Erik Morales noong 2007. Bagamat natalo ni Diaz si Morales madaming nagsasabi na lamang sa puntos si Morales at dapat siya ang nagwagi sa laban. Ikumpara ninyo kung paano ginulpi at ipinagwasiwasan ni Pacquiao si Morales noong 2006 sa pangatlo nilang laban. Ang masasabi ko lang, kahit mabigat si Diaz, madali siyang kalaban para kay Pacquiao at malamang sa hinde, makukuha ni Pacquiao ang kanyang ika-apat na official world title.

Bago ninyo sabihing ginagawang spoiled brat ni Arum si Pacquiao, tingnan ninyo ang sunod na laban na gusto niyang gawin pagkatapos ni Diaz. Iaakyat ni Arum si Pacman sa 140lbs para ilaban agad kay Ricky Hatton. Oo, siya yung English boxer na pinatulog ni Mayweather sa 147 lbs.  title bout noong December 2007.  kahit natalo siya ng pound for pound no. 1 na si Mayweather, sa 140 lbs. si Hatton ang hari at kinikilalang champion. Malakas at may reputasyon bilang brawler/slugger, parang si Pacquiao bago pa siya tinuruan ni roach na maging mas teknikal na boksingero. Malaki ang kikitain ni Bob Arum kahit sa Las Vegas o UK  gawin ang laban, pero tiyak din mahina ang tsansa ni Pacman na manalo dahil sa malaking agwat sa timbang nila ni Hatton. Nagsimula si Pacquiao sa 106 lbs sa kanyang professional career at tiyak na mababawasan ang kanyang lakas pag-akyat nya ng 140 lbs.  Kung mananalo si Pacman, malaking kasikatan at yaman ang matatanggap niya at tiyak mapapalitan niya si Mayweather bilang no. 1 pound for pound boxer sa buong mundo. Pero kagaya ng sinabi ko, malabong manalo si Pacquiao.

Eto naman ang tingin ko na dapat gawin ni Pacquiao. Umakyat siya ng 135 lbs. at doon hamunin si David Diaz. di na siya dapat manatili sa 130 lbs. dahil nahihirapan na siyang makuha ang timbang at nababawasan ang kanyang lakas dahil sa hirap ng pagpapapayat. Kung matatandaan, natalo at na-knock-out si Pacman sa kanyang pangalawang depensa ng kanyang flyweight title  laban sa isang Thailander dahil din sa problema sa timbang. Pagkatapos niyang manalo kay Diaz at makuha ang ikaapat niyang world championship belt, pagbigyan niya si Marquez na makakuha ng pangatlong rematch. Itaya niya ang kanyang 135 lbs. belt para mas exciting. Kailangan niyang gawin ito dahil si Marquez ay nananatiling unfinished business. Sa aking scorecard, lamang si Marquez ng tatlong rounds at siyang tunay na nanalo sa laban kahapon. Sa 135 lbs. mas malaki ang pag-asa ni Pacquiao na manalo dahil hindi na siya mahihirapan sa pagpapababa ng timbang. Marami pa rin ang tiyak na mag-aabang at manonood ng labang ito. Kung matatalo niya si Marquez, siguro ay handa na siyang hamunin ang tunay na champion sa 135 lbs. , si Nate Campbell o kaya ang tinalo nito at former 135 lbs. champion na si Juan Diaz. Tiyak din na blockbuster ang labang ito. Pwede din nyang hamunin ang brawler na si Michael Katsidis na tiyak na kaya niyang talunin dahil sa limitadong kakayahan ni Katsidis sa loob ng ring. Kung magagawa niyang makuha ang mga belts sa 135 lbs., pwede niyang itaya ito laban kina Edwin Valero at Joan Guzman na mga 130 lbs. champion at tiyak ay aakyat din sa 135 lbs para lang tanggapin ng pagkakataong makalaban si Pacquiao.  Kapag nagawa ito ni Pacman, tiyak na siya ay mapapabilang sa listahan ng mga all-time greats ng boxing at mauungusan din si Mayweather bilang pound for pound no.1 sa boksing. Pwede na rin siyang magretire, at walang mawawala sa kanya kung hamunin muna niya si Hatton bago siya tuluyang magpaalam sa boksing. Manalo man o matalo kay Hatton, sementado na ang pagiging legend ni Pacquiao sa paningin ng buong mundo.