Archive for Pebrero 27th, 2008

Sino si GE

Pebrero 27, 2008

si Ge ay isang limang taong gulang bata. Ang tunay niyang pangalan ay Jorge Angelo. Hindi ko alam kung saan kinuha ang palayaw niyang Ge, siguro sa ge sa dulo ng Jorge o sa ge sa gitna ng Angelo. Pero sa kuwento ng iba, Angge ang palayaw ng kanyang ama, mula sa Angelo na buo nitong pangalan.

Balik tayo kay Ge,  siya ay hindi naman katangkaran at sabi ng iba ay nagmana raw sa kanyang ama.  Maputi rin siya, medyo siksik ang katawan pero hindi mataba. Tiyak na pagtuntong niya sa edad ng pagbibinata, magiging maskulado ang katawan ni Ge.

Noong dalawang-buwan pa lang na sanggol si Ge, nagsimula na siyang kausapin ng kanyang ama. Walang pakialam ang kanyang ama kahit nagsasalita siyang mag-isa at hindi siya naiintindihan ng kausap.  Patuloy lang siya sa pagdaldal tuwing kasama ang anak. Naniniwala siyang magiging matalino ang sanggol kapag laging kinakausap. Para mas matindi ang epekto, kinakausap niya ito na parang matanda. Noong nakakapagsalita na si Ge, at meron siyang itinatanong sa ama,  hindi siya binibigyan ng ama ng simpleng sagot. Pinipilit ng ama niyang magpaliwanag ng kahit na mahirap na bagay para mapilitan ding mag-isip ang anak.  Halimbawa ang kanilang pag-uusap noong isa at kalahating taon na si Ge.

“Papa, ano ang mas malaki, ang bundok o ang araw?”

“Syempre ang araw”

“Eh papa, bakit kapag hapon, nagtatago ang araw sa likod ng bundok, eh di dapat mas malaki ang bundok?”

“Ah, akala mo lang na nagtatago siya sa bundok. Pero ang araw ay mas malaki pa sa mundo.  ito ang pinakamalaking bagay sa solar system natin..blah, blah, blah, blah, blah…..”

Si Ge na din yata ang pinakabatang atiesta sa Pilipinas. Bininyagan naman siya noong sanggol pero dahil sa kanyang ama, dalawang taon pa lamang ay naiintindihan na niya ang konsepto ng ebolusyon.  sa edad na tatlong taon, naiintindihan na niya ang kasaysayan ng mundo gamit ang diyalektikong-materyalismo ni Marx, na ipinaliwanag din ng kanyang ama na noong kolehiyo ay isang aktibista.

Hindi rin natatakot ang kanyang ama na matutunan ni Ge ang mga bagay na dapat ay alam lang ng matanda.Halimbawa, dahil palagi siyang sumasabat sa usapan ng kanyang ama at ina, natuto na agad siyang magmura ng walang patid sa edad na tatlong taon at isang buwan. pagkatapos ng isang buwan pa, natuklasan na rin niya ang ibg sabihin ng seks at pagtatalik. Buong giliw naman itong ipinaliwanag ng kanyang ama sa magkahalong pilyo at siyentipikong paraan. Para sa kanyang ama, wala nang mas mahusay pa sa isang baratingas at matalinong bata.

 Hindi nga siya nagkamali. Matalinong bata si Ge. Hindi mo siya maiisahan sa kahit anong bagay. Halimbawa ang usapan ni Ge at ng kanyang lola.

“aba Ge wag kang pilyo, magagalit si Papa Jesus. mapupunta ang kaluluwa mo sa impyerno pag namatay ka. ”

“sinungaling, di totoo ang impyerno. ”

“sira-ulong bata ire, bawiin mo yun, magagalit si Papa jesus sayo, kabata-bata mo pa!”

“hinde naman eh, nakita mo na ba si Papa jesus? sigurado kang may papa Jesus nga?”

“Ay dyus kong bata ka! papaluin kita! pupunta ka talaga sa impyerno!”

“Asus, eh paano yung mga muslim tsaka yung mga shaolin, hinde naman nila kilala yung Papa Jesus mo, eh di pupunta din sila sa impyerno. Di naman nila kasalanan yun ah. Tsaka hindi naman siya yung Diyos ah, kung meron man talagang diyos. Anak lang naman siya”

“Ay basta wag ka nang mas maalam pa sa akin, matanda na ako, makinig ka sakin!”

Ganitong tipong bata si Ge. Masyadong maalam. Pero hinde nagkakaproblema ang kanyang ama at ina sa kanya. Hinde siya mahirap alagaan di tulad ng ibang bata. Hinde siya iyakin, alam niya ang mabuti at masama para sa kanya, matapang at malakas ang loob, at higit sa lahat mayroon siyang  sense of fairness sa pakikitungo sa ibang tao. 

Nakalimutan kong banggitin pero ipinagbubuntis pa lamang siya, pangarap na ng kanyang ama na lumaki siyang katulad ni Naruto- ang paborito nitong character sa tv.

Ngayon ay kilala na nating lahat si Ge-kahit papaano. dumako na tayo sa pagpapatuloy ng mga kwento tungkol sa kanyang pakikipagsapalaran.

Si Ge at ang Kambing

Pebrero 27, 2008

“Geeee! Geee!!!”

“Bakeeeet?”

“Umuwi ka na, mamaya ka na magala.  pupunta kami ng mama mo sa palengke.”

“O eh di pumunta na kayo. Di ako sasama.”

“Yun nga eh, di talaga kita pasasamahin, walang magbabantay ng bahay. Dito ka lang at wag kang aalis hangga’t di kami bumabalik.”

Biglang sumimangot  ang kausap.  “Aahhh, eh bilisan nyo. Bilhan mo pati ako ng puto sa palengke. Yung kulay dilaw ha tsaka yung may balot na dahon ng saging.”

Pag-alis ng kanyang kausap ay naupo sa sofa ang bata. Siya si Ge, limang taong gulang.  Ang kanyang kausap ay ang kanyang ama. Araw ng sabado kaya’t namalengke ito kasama ang asawa. Tanghali na sila babalik kaya’t pinaiwan niya si Ge sa bahay para magbantay.

Ang tirahan ni Ge ay isang bungalow na may katamtamang laki. Matatagpuan ito at ang ilang pang mga kapit-bahay na bungalow sa gitna ng malawak na parang. Ang tirahan ni Ge ay nasa loob ng malawak na bakuran na napaliligiran ng alambre.

“San kaya tinago ni Papa yung mga bold niyang dvd? Nahalata niya sigurong pinapanood ko yun pag wala siya kaya bigla na lang nawala sa taguan.”

“Wala namang magawa, maglalaro na lang ako ng computer.”

Pagkalipas ng isang oras ay may narinig na kaluskos si Ge sa labas ng kanilang bahay. Sumilip siya sa bintana at napangiti sa nakita.

“Hahaha yung mga kambing sa bukid nagkakantutan!”

Dalawang barakong kambing ang nagsusuwagan para malaman kung sino sa kanila ang makikipagtalik sa isang dalagang kambing na kumakain ng damo sa likod ng bahay. Maya-maya ay sumuko ang isang kambing at tumakbong palayo matapos matalo sa duwelo. Ang matagumpay na barako naman ay buong giting na binabahan at kinabayo ang dalagang kambing. Iyun ang inabutan ni Ge sa bintana.  Natatatawa sa nakita, naka-isip siya ng kalokohan.

“Ayos, matesting nga kung aabot ang bala ng pellet gun ko sa kambing na yun. ”

Ilang saglit pa.. KAACHHAAK.. Hanep sa pagkasa.. “Tapos ka sa pellet gun ko ngayon.”

Maingat niyang inasinta ang barakong kambing mula sa bintana..

PAANNGG…. “Sapul!”

“Aba, matigas ang balat ng kambing na to. Hindi man lang tumigil sa pagbaba. Sarap na sarap ka ha! Eto pang kasunod!”

KAACHAAK… PAAANNGG….KAACHAAK…PAANNGG…..

 Parang action star, pero hindi pa rin pinansin ng kambing ang mga patama ni Ge.

“Ganon ha, tingnan ko kung uubra ka sa tirador.”

Inilabas niya ang tirador na pinabili pa niya sa kanyang ama mula sa palengke noong isang linggo. Bala ay makinis na holen, hinigit ng mabibilog niyang braso ang goma. At sa abot ng kanyang makakaya, ubos-lakas niyang pinakawalan ito.

PLLOOOKKKK…. Umiining pa sa ere ang holen. Kahit ang kambing na takam na takam sa ginagawa ay napansin ang mabilis na pagdating ng bilog na marmol. Agad siyang natigilan. Sa isip niya.. “Tanginang bata, gusto yata akong patayin.  Syet masakit to!!”

Subalit huli na ang lahat para sa kambing. Hindi na siya makakailag.

POOONNGGG….

“MMMEEEEEEEEEEEEEE!!!!”

At isa pang malakas na “MEEEEEHEEEEHEEEHEEEHEEEEE!!”

Sa loob naman ng bahay.. “Yahuuuu!. Sapul sa noo! Hahahaha. Galing ko!”

Sa parang naman… “MEEEEE… Aray ko. Tangnang bata to. Salbahe. MEEEE”

“meeeeeeee.. o bakit tumigil ka sa pagbaba. hmmp. binibitin mo naman ako meeeeee.”

“MEEEEE.. teka lang hon. Yung bata dun sa bintana tinirador ako ng holen eh. pasensya na. ituloy na natin uli MEEEE..”

“meeeee… heh! ayoko na! binitin mo ako.  dun na lang ako sasama kay Billy goat. Tiyak hindi niya ako bibitinin. Tseh! diyan ka na! meeeeee”

At umalis na nga ang dalagang kambing patungo sa direksyon ng barakong kambing na kanina lang ay natalo sa duwelo.

“MEEEEEE… Kasalanan ito ng batang nanirador sakin. MEEEEEE… lintek lang ang walang ganti!”

Pagkuwa’y namataan ng kambing ang bakuran na pagmamay-ari ng batang si Ge. Agad niyang napansin ang mga berdeng-berdeng gulay na nakatanim sa buong paligid. Ang araw ay bago pa lamang sumisilip mula sa likod ng bundok na matatanaw mula sa tirahan ni Ge. Nangingintab sa biyayang sikat nito ang mga dahon ng sitaw, pechay, repolyo, kamatis, kalabasa, at pakwan na nakapaligid sa buong bakuran. Nandoon din ang mga rosas, rosal, santan, duranta, gumamela at alas-diyes na lalo pang nagpapakulay sa bakuran at nagsasabog ng bango sa maaliwalas na umagang iyon.

Ang mga halamang ito ang iniingatang kayamanan ng ama at ina ni Ge. Binungkal nila ang lupa at pinagyaman gamit ang sariling kamay upang mapayabong ang mga gulay at bulaklak. Mula pa sa pagsilang ni Ge hanggang pagsapit niya ng limang taong gulang, ang gulay na pinagsasaluhan ng kanyang pamilya tuwing agahan ay kinukuha sa kanilang bakuran. Tuwing hapon,  sa abot ng natatandaan ni Ge, katu-katulong siya ng kanyang ina sa pagdidilig at paglalagay ng pataba sa mga halaman.  Sa abot din nga kanyangmemorya, ang mga usapan ni Ge at ng kanyang ama ay madalas na tungkol sa pag-aalaga ng mga halaman. Sa madaling salita, walang kulay ang sambahayan ni Ge kung wala din ang mga halamang iyon.

Samantala, ang mata ng kambing ay kulay pula sa tama ng araw. Punong-puno ito ng malisya at masamang hangarin upang makapaghiganti. Lalo pa itong nagningas na tila baga pagkakita sa luntiang gulayan.

“MEEEEEE… Alam ko kung gaano, kahalaga sa pamilyang ito ang mga gulay na iyon. Matagal na rin akong tumatambay sa labas ng bakurang ito. Putangina! sa akin na ngayon ang mga gulay na yan. Batang salbahe, magbabayad ka!”

Sa isang iglap, nilundag ng barakong kambing ang matinik na bakod. Sa isang iglap, lumapag ang mga paa ng barakong kambing sa loob ng bakuran. Siya ang pinaka-unang hayop mula sa bukid na nakapasok sa bakurang iyon! At buong tikas niyang ipinahayag sa sarili:

“MEEEEE…Panahon na para anihin ang bunga ng aking paghihiganti. MEEEE!!!!”

 Samantala, sa loob ng bahay.

“Nanay ko po! Nakapasok ang kambing! Ang mga gulay, kelangan kong iligtas!”

ITUTULOY…